MANILA, Philippines - Kasabay ng paggunita sa ika-116 na taong anibersaryo ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal, kahapon ay ipinaalala naman ni Pangulong Benigno Aquino III ang kahalagahan ng pagkakaisa na kanyang nais.
Sentro ng talumpati ni Pangulong Aquino ang nais niyang pagkakaisa na siya ring nanguna sa isinagawang flag-raising ceremony sa monumento ni Rizal sa lungsod ng Maynila dakong alas-7:00 ng umaga.
Kasama ni P-Noy sa okasyon si Vice President Jejomar Binay ay iba pang mataas na opisyal ng pamahalaan.
“Paano hahabiin ang pagkakaisa sa kabila ng mga pagkakaiba? Paano pag-aalabin ang malasakit sa kapwa’t sa bandila? Nawa’y maging mas masigasig ang ating pakikisagwan sa iisang direksyon upang maging ganap ang potensyal ng ating Wikang Pambansa,” ayon kay Pangulong Aquino.
Isang prusisyon ang isinagawa sa Binondo patungong Luneta na nilahukan ng mga miyembro ng Knights of Rizal at mga opisyal ng pamahalaan kung saan ay nagsagawa ng reenactment kaugnay sa paglilipat ng labi ni Gat Jose Rizal bilang bahagi ng paggunita sa Rizal Day.
Nabatid na ang reenactment ng paglilipat ng labi ng pambansang bayani ay nagsimula mismo sa bahay ng kanyang ina na si Teodora Alonzo patungo ng Luneta.