MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang 4-anyos na si Jasper Gomez ng Brgy. Bonbon, Butuan City matapos itong mabundol ng isang motorsiklo kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Tubo-Tubo, Cagwait, Surigao del Sur.
Batay sa ulat ni CARAGA Police Spokesman Supt. Martin Gamba, bandang alas-3:00 ng hapon ay kasalukuyang bumabagtas sa lugar ang isang kulay itim na Honda Wave motorcycle na minamaneho ni Mary Maica Jamarie Buladaco, 25-anyos nang bigla na lamang tumawid ang naglalarong biktima.
Sa bilis ng pangyayari ay nabigo si Buladaco na iwasan ang bata kaya’t tuluy-tuloy nitong nabundol at nakaladkad pa ng may ilang metro.
Ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival sa Marihatag District Hospital sa tinamo nitong malubhang mga sugat sa bahagi ng kaniyang ulo at iba pang parte ng katawan.
Nabatid na walang lisensya para magmaneho at hindi rin rehistrado ang motorsiklong dala ng suspek.