Misis na asset ng pulis, itinumba

MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang misis na sinasabing asset ng pulis habang siya ang naglalaba sa tahanan ng kanyang kaibigan sa Pasay City, kamakalawa ng  gabi.

Dead-on-the-spot ang biktimang si  Charline Mae Gigantoca  “alyas Jaja”,  27, nakatira sa #203 Sitio Maligaya St., Barangay  Baclaran, Parañaque City.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO3 Allan Valdez, ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay City Police, naganap ang insidente  dakong alas-7:30 ng gabi  sa Bagong Cuneta St., Pasay City.

Kasalukuyan umanong naglalaba ang biktima kasama ang kanyang kaibigan na si Iglesirio Murillo sa naturang lugar, nang biglang sumulpot  ang isang hindi pa nakikilalang suspek at agad na binaril ng tatlong beses sa ulo ang  biktima.

Natulala na lamang si Murillo sa naganap na insidente  dahil sa biglaang pangyayari.

Patuloy na iniimbestigahan ang nasabing kaso at ina­alam ng pulisya kung may kinalaman sa pagiging police asset ng biktima kaya ito pinaslang.

Show comments