MANILA, Philippines - Umabot sa P100,000 ang na-withdraw ng isang negosyante sa ATM machine bago ito nilapitan ng dalawang holdaper na sakay ng motorsiklo at hinoldap at pinagbabaril kahapon sa Quezon City.
Namatay noon din ang biktima na nakilalang si Jesus Gamba, 44-anyos, may-asawa ng Polo St., Dela Costa Homes II Subdivision, San Jose Del Monte, Bulacan.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:45 ng umaga ay sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima nang ito ay sundan ng dalawang suspek na sakay din ng motorsiklo.
Pagdating sa harap ng isang bahay sa no. 6 J. Aquino St., kanto ng Sto. Domingo St., Brgy. Balingasa ay biglang sumulpot ang mga suspek at hinarang ang daraanan ng biktima saka bumaba ang backrider bitbit ang baril at tinutukan ang huli.
Nang kukunin ng suspek ang dalang shoulder bag ng biktima na naglalaman ng pera ay nanlaban ito, dahilan para sipain siya at mahulog sa kanal at saka pinagbabaril.
Nabatid na ang nasabing salapi na nakuha ng mga suspek ay winidraw ng biktima gamit ang may 50 piraso ATM cards sa may Allied ATM machine na matatagpuan sa Grace Village, Brgy. Balingasa sa lungsod.
Ang nasabing 50 pirasong ATM cards ay mula sa mga kawani ng isang kumpanya na nagsasanla sa biktima ng kanilang ATM cards bilang collateral para makautang ng pera.
Mabilis na tumakas ang mga suspek tangay ang bag ng biktima na naglalaman ng naturang halaga ng pera, patungo sa Sto. Domingo St.