MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang hindi pa kilalang suspek na riding-in-tandem ang incumbent Mayor ng Infanta, Pangasinan habang nagpapahangin sa terrace ng kanyang tahanan, kahapon ng hapon.
Kinilala ni Pangasinan Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Jose Mariano Luis Verzosa ang biktima na si Mayor Ruperto Martinez, ng bayan ng Infanta na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at dibdib na siyang dahilan ng kanyang agarang kamatayan.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Verzosa na bandang alas-2:40 ng hapon ng mangyari ang insidente sa Brgy. Cato, Infanta, Pangasinan.
Sinasabing kasalukuyang nagpapahangin ang Alkalde na nakatayo sa terrace ng kaniyang tahanan nang huminto sa tapat ng kanyang bahay ang dalawang suspek na motorcycle riding-in-tandem.
Armado ng kalibre 45 baril ang mga suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang Alkalde.
Ayon sa report, walang bodyguard si Mayor Martinez nang mangyari ang insidente. Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang dalawang salarin na sakay din ng kanilang motorsiklo.
Nakarekober ang mga imbestigador ang maraming basyo ng bala ng kalibre 45 baril sa crime scene.
Sa kasalukuyan ay tatlong anggulo ang masusing tinitingnan ng mga imbestigador na posibleng motibo ng krimen, ang una ay pulitika, pangalawa ay operasyon ng jueteng at pangatlo ay illegal mining sa Pangasinan.