MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang 20-anyos na binata na anak ng lider ni Caloocan City Mayor Recom Echiverri matapos itong pagbabarilin hanggang sa mapatay ng isang pulis, na kasalukuyan umanong close-in security ni Cong.Oca Malapitan kamakalawa ng gabi.
Ang nasawi dahil sa apat na tama ng bala sa katawan ng kalibre 9mm ay kinialang si Joven John Rarugal, residente ng 22 Adelfa St., Barangay 132, Bagong Barrio at anak ng coordinator ni Mayor Echiverri na si Lito Rarugal, 45-anyos.
Kaagad namang sumuko sa pulisya ang suspek na kinilalang si SPO2 Venancio Santiago, 45, kasalukuyang naka-assign bilang bodyguard ni Malapitan at nakatira sa 112 D. Arellano St., Barangay 133, Bagong Barrio, Caloocan City.
Batay sa ulat, bandang alas-10:30 ng gabi nang mapadaan ang biktima kasama ang ilan niyang kabarkada sa pinag-iinuman ng suspek na si Santiago sa Petchay Alley sa Barangay 133.
Kaagad umanong sinalubong at kinompronta ng suspek ang biktima dahil sa ang buong pamilya nito, kabilang na ang ama at kapatid nitong si Liezel ay kilalang bata at supporter ng mag-amang Mayor Recom at Coun. RJ Echiverri.
Naging magalang pa umano ang mga biktima sa suspek at nakiraan pa rito, subalit agad nitong pinagbabaril si Rarugal sa iba’t ibang parte ng katawan.
Napag-alaman sa mga kasama ng biktima na nagmakaawa pa ang biktima sa salarin habang binabaril ito, subalit sa halip na pakinggan ay tinadyakan pa ito sa ulo at muling binaril ng tatlo pang beses.
Hindi naman nakapalag ang 3 kasama ng biktima dahil tinutukan sila ng suspek ng dala nitong 9mm na baril.
Mariin namang kinondena ni Mayor Echiverri at nanawagan sa iba pang biktima ni Santiago na lumabas at huwag matakot dahil kakampi nila ang batas.
Ang nasawing biktima ay kababalik lang galing sa Macao matapos itong mag-training sa airport at nakatakda sanang magtrabaho sa China sa susunod na taon.
Sa panig naman ng suspek na may na-engkwentro ang grupo ng biktima kung kaya’t lumabas siya dahil sa tawag ng tungkulin at alamin ang kaguluhan.
Dito ay nasalubong umano ng suspek ang biktima na may dalang pen gun kaya’t sinita niya ito, subalit nagpaputok ang huli, kaya’t napilitang gumanti ng putok ang una at tinamaan ang biktima.