MANILA, Philippines - Itinakas ng tatlong armadong lalaki na nagpanggap na mga abogado ang lider ng ‘Ozamis Robbery Hold-up Gang’ sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Nabatid na dakong alas-6:20 ng umaga nang dumating ang tatlong lalaki sa Reception Diagnostic Center sa West gate ng NBP at nagkunwaring mga abogado ng convicted inmate na si Ricky Cadavero “alyas Kambal” lider ng Ozamis Gang.
Habang kausap umano ng isa sa tatlong lalaki si Cadavero ay bigla naman tinutukan ng baril ang mga nagbabantay na prison guard ng NBP na kasalukuyan nasa gate nang nasabing piitan at mabilis na itinakas sakay ng motorsiklo.
Nataranta umano ang mga prison guard na pansamantalang hindi muna binanggit ang mga pangalan at walang nagawa dahil sa bilis ng mga pangyayari.
Si Cadavero ang itinuturong nasa likod ng Alabang Town Center robbery sa Muntinlupa noong Setyembre 14 at nasa likod rin ng 17 beses na pangho-hold-up sa mga mall sa Metro Manila at mga karatig lalawigan kabilang ang Robinson Metro East, Robinsons Galleria at Robinsons Novaliches, Robinson sa Dasmariñas at Landbank sa Quezon City noong 2008.
Matatandaan na si Cadavero ay dinakip ng mga tauhan ng SPD sa inuupahang bahay nito sa Cavite noong nakaraang taon kung saan nakumpiska sa kanya ang tatlong bankbook na naglalaman ng P1.2 milyon, Mitsubishi Montero, Honda CR-V at Toyota Innova.