50 bayan isinailalim sa state of calamity delubyo ng bagyong ‘Pablo’

MANILA, Philippines - May kabuuang 50 bayan at lalawigan ang isinasai­lalim sa state of calamity matapos tamaan ng matin­ding delubyo ng bagyong Pablo noong Disyembre  4.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos, nasa 26,160 hektaryang pananim rin sa 18 lalawigan sa Mindanao ang nawasak at naapektuhan sa matinding hagupit ng bagyo.

Kabilang sa sinira ni Pablo ang 3,149 metrikong tonelada ng palay; 1,523 metrikong tonelada ng mais, 250 metrikong tonelada ng high value crops tulad ng palm oil, bungang kahoy, rubber at mga gulay.

Kabuuang 18 tulay, 16 kalsada ang nanatiling hindi madaanan ng mga behikulo sa may 35 bayan at lungsod na dumaranas pa ng kawalang supply ng kuryente dahil sa pagkatumba ng mga poste at mga puno.

Sa tala ng NDRRMC,  456 ang nasawi, 445 ang nasugatan at 533 pa ang nawawala.

Nakaapekto naman sa kabuuang 1,089,339 pamil­ya o katumbas na 5,374,065 katao sa may 2,201 barangay sa 226 bayan at 34 lungsod na nasasakupan ng  30 lalawigan.  Sa nasabing bilang ay nasa 44,167 pamilya o 211,540  katao ang nananatili pa sa  291 evacuation centers sa mga naapektuhang lugar ng bagyong Pablo.

Aabot naman sa P4.0019 bilyon na kinabibilangan ng  P630.97 M sa imprastraktura at  P3.365 bilyon sa agrikultura ang nawasak.

Ayon naman sa Pangulong Benigno Aquino III ang pagdideklara niya ng state of national calamity ay upang mas mapabilis ang rescue, relief at rehabilitation efforts ng gobyerno at ng pribadong sector kabilang na ang anumang international humanitarian assistance.

Show comments