Obrero humiram ng tapang sa alak bago pumatay

MANILA, Philippines - Kumuha muna ng tapang sa alak ang isang ob­rero bago nito patayin ang isang kabaro sa loob ng pinapasukang construction site kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.

Ang biktima na namatay habang nilalapatan ng lunas sa Mary Jhonston Hospital ay nakilalang si Jimmy Villa, 50, may-asawa, tubong Camalig, Albay at stay-in sa construction site ng Romero’s residence sa no.  380 Morga St., Tondo.

Ang suspek na tumakas ay kinilalang si Renato Sarcella, tinatayang nasa 40-45-anyos at stay-in din sa nasabing construction site.

Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-10:00 ng gabi ay nakipag-inuman ang suspek sa tatlong kaibigan sa isang bahay sa labas ng constructions site.

Matapos ang ilang tagay umalis ang suspek sa inu­man at hindi na bumalik.

Isang Jayson Tadeja, 24, binata, helper sa nasabing construction site ay nasalubong  ang suspek na pababa ng hagdanan na may mga bahid ng dugo at tinutukan pa umano siya ng kutsilyo at binantaan na huwag magsalita sa kanyang nakita.

Kinabahan si Tadeja at nagulat ito nang makita ang biktima na duguang nakabulagta. Patuloy ang  imbestigasyon ng pulisya kung ano ang motibo ng pagpatay.

 

Show comments