MANILA, Philippines - Kinatigan ng dalawang nakatatandang miyembro ng South Cotabato provincial board ang opinyon ng Department of Justice na hindi balido ang pagbabawal ng lalawigan sa open-pit mining at kapwa nangakong susuportahan ang desisyon ni Governor Arthur Pingoy, Jr. hinggil sa bagay na ito.
“Iginagalang namin ang opinyon ng DOJ at susuportahan namin ang aksiyon ng gobernador sa magiging tugon sa opinyong ito,” sabi ni South Cotabato provincial board member Agustin Dema-ala.
Inilabas ng DOJ kamakailan ang Opinyon Blg. 87 serye ng 2012 na nagbibigay kapangyarihan sa Department of Interior and Local Government (DILG) na kasuhan ng “grave abuse of authority” at “grave misconduct” ang local government officials na magpapasa ng mga lokal na ordinansa na kumokontra sa Konstitusyon at sa mga pambansang batas.
Iginiit ng DOJ na upang maging balido ang ordinansa, kailangang papasa ito sa pagsubok ng Konstitusyonalidad at hindi lilihis sa umiiral nang mga batas.
Nagpasa ng ordinansa ang South Cotabato na nagbabawal sa open-pit mining method na pinapayagan naman sa Mining Act of 1995.