MANILA, Philippines - Isang babaeng Vietnamese national ang dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Customs matapos makumpiskahan ng mahigit na dalawang kilong shabu na nagkakahalaga ng P15 milyon kahapon ng tanghali sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Pasay City.
Sa report na tinanggap ni Customs Commissioner Ruffy Biazon mula kay Legal and Investigation Custom police Byron Carbonell, head ng Task Force React, BoC sa NAIA kinilala ang suspek na si Pham Thi Anh Tuyet, nasa hustong gulang.
Batay sa ulat, dakong alas-12:20 ng tanghali nang dumating sa Terminal 1 ng NAIA ang suspek sakay ng Gulf Air Via Flight 154 na nagmula sa bansang Bahrain.
Habang nagsasagawa ng inspection ang mga tauhan ni Biazon na Task Force React, BoC, na nakabase sa NAIA ay nakita nila sa x-ray ang kahina-hinalang bagahe ng naturang Vietnamese national.
Kaya’t binuksan ang bagahe ng suspek at dito ay tumambad ang crystalline substance na pinaniniwalaang shabu, na nakalagay sa isang sealed compartment, na may timbang na 2.83 kilos, na tinatayang aabot sa P15 milyong pisong halaga kaya’t agad na dinakip ang dayuhan.
Napag-alaman na ang naturang dayuhan ay dumating noong Nobyembre 21 ng taong kasalukuyan sa Ghana, Africa at umalis doon noong Nobyembre 27.