MANILA, Philippines - Ngayong taon ay umabot sa 29,182 pamilya ang natulungan ng City Hall On Wheels (CHOW) na proyekto ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na layuning mabigyan ng serbisyo ang mga residente sa buong lungsod kahit na hindi umaalis ang mga ito sa kanilang barangay.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkakaloob ng CHOW ay ang mobile clinics, free medical and dental consultations, employment assistance, vocational and technical employment assistance, free legal services, assistance to senior citizen, sports clinics, de-clogging of canals, feeding programs, urban gardening, implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pa.
Tinutukan din ng administrasyon ni Echiverri ang kalusugan ng mga residente kung saan ay umabot sa P32 milyong halaga ng medical equipment ang binili ngayong taon na siyang ginagamit sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC) dahilan upang tumaas ang bilang ng mga outpatient services.