Founder ng Green Cross Inc. kinatigan ng korte

MANILA, Philippines - Kinatigan ni Presi­ding Judge Pedro de Leon Gutierrez, ng Branch 119 ng Regional Trial Court ng Pasay City ang founder ng Green Cross Inc. na si Gonzalo Co matapos na ibasura ng hukom ang “motion to dismiss” na isinumite ng kanyang hipag na si Lucy Co a.k.a. Tan So Hua hinggil sa kasong isinampa ng alcohol maker  na ilipat ng libi­ngan ang kanyang kapatid na nakahimlay sa kanyang pag-aaring lupa.

Nauna dito, isang civil case for specific performance ang isinampa ng founder ng Green Cross kay Lucy matapos na tumangging alisin at ilipat ang labi ng kanyang asawa sa kabila ng mga lehitimong kahilingan ng una.

Base sa reklamo ni Gonzalo, pagmamay-ari niya ang lupang kinahihimlayan ng kanyang kapatid na si Joseph sa memorial park na inilibing noong 1992.

Dagdag pa dito, taong 2010 nang hilingin ni Gonzalo na ilipat ng libingan si Joseph upang mabigyan daan ang ginagawang “bone niche” na inaprubahan at binigyan ng permit ng pamunuan ng Manila Memorial Park administration.

Sa kabila ng mga paliwanag ni Lucy, mas pina­nigan ng korte si Gonzalo at ibinasura ang mosyon ng hipag.

 

Show comments