MANILA, Philippines - Isang lider ng pyramiding scam ang naaresto ng pulisya matapos salakayin ang bahay nito sa Marawi City, Lanao del Sur kahapon ng hapon.
Kinilala ang nasakoteng suspek na si Jachob “Coco” Rasuman, pinuno ng Coco Rasuman Investment Group.
Ang Rasuman Investment Group ay kaalyado ng Aman Futures Group Philippine Inc. na nakabase sa Pagadian City na bumiktima ng 15,000 katao at nakatangay ng aabot sa P12 bilyon.
Ayon sa report, bandang alas-2:15 ng hapon nang masakote at arestuhin si Rasuman sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Cagayan De Oro RTC Judge Bonifacio Macabaya sa kasong syndicated estafa matapos itong bumalik sa kaniyang bahay sa Brgy. Panggao Saduc, Marawi City.
Si Rasuman ay ilang buwan na hindi umuuwi sa kaniyang bahay dahil sa takot na resbakan ng mga naging biktima ng pyramiding scam.
Bukod kay Rasuman, kinasuhan rin ang ama nito na si dating Public Works and Highways Undersecretary Basher Rasuman, ng syndicated estafa.
Samantala ang pinuno ng Aman Futures na si Manuel Amalilio, isang Malaysian national ay nagtatago na umano sa Kota Kinabalu, Malaysia matapos itong pumuslit sa bansa tangay ang malaking halaga ng kinulimbat sa pyramiding scam.