MANILA, Philippines - Dahil sa awayan sa mana ay kritikal ang kalagayan ng isang 44-anyos na mister matapos pagbabarilin ng kanyang nakatatandang kapatid sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. 1, Buenavista, Agusan del Norte.
Ang biktima na patuloy na isinasalba sa Nasipit District Hospital ay kinilalang si Alejandro Ebarsabal.
Tumakas naman ang suspek na kuya nito na si Gregorio, 52.
Batay sa ulat, bandang ala-1:00 ng hapon sa tahanan ng biktima sa Purok 5, Brgy. 1, Buenavista ng lalawigang ay kinompronta ng suspek ang una dahil sa mas malaking bahagi ng kanilang lupain ang ipinamana rito ng kaniyang mga magulang na labis na ikinagalit nito.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapatid hanggang sa kumuha ng baril ang suspek at binaril ang kapatid.
Sinaklolohan ng kaniyang mga kasambahay ang biktima at isinugod sa pagamutan.