Nag-hit and run, arestado!

MANILA, Philippines - Arestado ang isang obrero na nakipagbarilan pa sa mga umaarestong pulis sa kanya makaraang takasan nito ang mag-ama na kanyang nabangga habang lulan siya ng isang motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.

Si Richard Torres, 47, residente ng Brgy. San Dionisio, Parañaque ay na­haharap ngayon sa kasong frustrated homicide, attempted murder at illegal possession of firearms.

Isinugod naman sa pagamutan ang mag-amang sina Esphemar Regunda, 30-anyos, driver at anak nito na si Kento Jeston, 5-taong gulang, kapwa residente ng Lovewin Compound, Brgy. San Isidro sa lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:30 kamakalawa ng umaga nang mabundol ng suspek lulan ng isang motorsiklo ang mag-amang Regunda habang tumatawid ang mga ito sa kalsada sa may Lovewin Compound.  Sa halip na hintuan at tulungan ang mga biktima, pinaharurot ng suspek ang motorsiklo upang makatakas.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang Police Community Precinct-San Isidro hanggang sa matukoy ang bahay ng suspek.

Papalapit pa lamang ang mga pulis sa bahay ng suspek  nang paputukan umano sila ni Torres ng dalawang beses pero masuwerteng walang tinamaan.

Agad na pinasok ng mga pulis ang loob ng bahay hanggang sa tuluyang mapalibutan ang suspek na wala nang nagawa kundi sumuko sa mga awtoridad.

 

Show comments