MANILA, Philippines - Isang mag-asawang Chinese trader ang nasawi matapos na sila ay pagbabarilin ng mga holdaper na nakamotorsiklo at tinangay ang dala nilang pampasuweldo sa kanilang mga kawani kahapon ng umaga sa Malabon City.
Kapwa idineklarang dead-on-arrival sa Manila Central University Hospital ang mag-asawang sina Nin Ting Wong, 70, at misis nitong si Quimsy, 60.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-6:30 ng umaga ay bumaba si Nin Ting sa kanilang sasakyan na Rav 4 sa tapat ng kanilang pabrika at habang naglalakad papuntang service gate ng pabarika ay pinutukan ito ng isa sa mga suspek na naka-helmet.
Nang makita ng asawang si Quimsy ay tinangka nitong iligtas ang sarili, subalit hinabol ito ng suspek at pinagbabaril.
Matapos ang insidente ay dinampot ng gunman ang dalang bag ni Quimsy na naglalaman ng hindi pa batid na halaga ng pera at mga gamit bago sumakay sa kasamang may dalang motorsiklo na hindi na naplakahan.
Ang mag-asawa ay may-ari ng White Horse Plastic Factory na makikita sa kahabaan ng Dizon St., Brgy. Tenejeros at nagtutungo sa pabrika para magbigay ng suweldo sa kanilang mga empleyado.
Nakatuon ang imbestigasyon ng pulisya sa panghoholdap ang motibo ng krimen dahil sa may dala ang mag-asawa ng pampasuweldo na nasa P60,000 hanggang P70,000 sa kanilang mga kawani.
Malaki ang hinala ng pulisya na planado ang pag-ambush dahil sa laging dinadala ng mag-asawa tuwing Sabado ang kanilang pampasuweldo.
Isang closed-circuit television (CCTV) camera ang nakalagay sa lugar, subalit hindi ito gumagana.