MANILA, Philippines - Halos hindi na makilala ng mga magulang ang bangkay ng kanilang dalawang anak na paslit matapos itong matusta sa nasunog nilang bahay sa Basesco Compound, Port Area, Maynila habang wala silang mag-asawa kasama ang isa pang anak sa Divisoria naganap kahapon ng madaling-araw.
Ang magkapatid ay kinilalang sina Roselyn, 4 at Raymond Buelbar Jr., 7, residente ng Block A, Gasangan, Baseco Compound, Port Area, Maynila.
Batay sa ulat, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa bahay ng pamilya Cuelvar, habang naiwang natutulog ang magkapatid dahil ang mga magulang ay nagtitinda ng bawang sa Divisoria.
Sa salaysay ng ama ng dalawang bata na si Raymond Cuelvar Sr, nagtitinda sila ng bawang sa Divisoria nang magtungo ang isang kapitbahay sa kanilang puwesto at ibalita na nasunog ang kanilang bahay.
Nagtataka si Cuelvar Sr. dahil sanay na sila na iwan ang mga anak at mayroon din umanong kuryente na hindi naman delikado tulad ng kandila.
May ilaw at nakasinding bentilador nang iwan umano ang dalawa habang kasama nila ang 10-taong gulang na anak sa pagtitinda sa Divisoria at umuuwi sila tuwing alas-3:00 ng madaling-araw.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente dahil ang bahay lang ng mga Cuelvar ang nasunog.