Lalaki ginilitan ng lover

MANILA, Philippines - Isang lalaki na staff ni Valenzuela City Councilor Lorie Natividad ang ginilitan ng leeg at sinaksak pa ang katawan ng hindi pa kilalang nobyo sa loob ng kuwarto ng una kamakalawa sa nasabing lungsod.

Ang biktima na idi­neklarang dead-on-arrival sa Valenzuela General Hospital ay nakilalang si Domingo Dimas, 36, ng Villa Martha Subdivision, Barangay  Parada ng lungsod.

Sa salaysay ng pamangkin ng biktima na si Jerico James Dimas, dakong alas-4:45 hapon ay nagising siya nang makarinig ng kaguluhan sa ikawalang palapag ng kanilang bahay.

Nang aakyat si Jerico ay nakita niya na palabas ang biktima, ngunit isinara at kinandado ng suspek ang kuwarto nito.

Nakita niya na may bahid ng dugo ang pinto ng kuwarto kaya’t  lumabas ng bahay at  kinandado ang pinto sa labas at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Ilang sandali ay nakita ang suspek na pilit nitong binubuksan ang pintuan at sinabi na hinimatay ang kanyang tiyuhin sa pakiki­pagtalik.

Dahil walang malabasan ang suspek ay dumaan ito sa terasa ng bahay upang tumakas matapos isagawa ang pagpatay.

 Inilarawan ni Jerico ang suspek na hinihina­lang nobyo ng kanyang tiyo na may taas na 5’8”-5’10”, nasa edad 20 hang­gang 30, maputi at may kalakihan ang panga­ngatawan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pamamaslang sa biktima.

Show comments