MANILA, Philippines - Nasakote ng mga otoridad ang isang lalaking call center agent na ang sideline ay pagiging holdaper matapos holdapin ang isang taxi driver, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Ang nadakip na suspek ay kinilalang si Carlo G. Santos, 25-anyos, binata, at residente ng South Switzerlad Street, BLS, Brgy. Don Bosco, Parañaque. Habang nakatakas nang hindi pa nakikilalang lalaking kasama.
Batay sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi nang parahin ng dalawang suspek ang biktimang si Eddie Preagola, 43, taxi driver, ng West Fairview, Quezon City, sa may Gil Puyat Avenue, Makati City at nagpahatid sa may Valley 1, Parañaque.
Pagdating sa may Dominic Savio St., Brgy. Don Bosco ay naglabas ng baril ang mga suspek at nagdeklara ng holdap at tinangay ang P2,000 kinita ng biktima at maging ang cellular phone nito bago puwersahang pinababa ng kanyang taksi at tumakas gamit ang sasakyan.
Agad na iniulat ng biktima sa Don Bosco Police Community Precinct at nagsagawa ng pursuit operation ang mga pulisya at nasakote si Santos lulan pa ng naturang taxi at narekober ang kalibre .38 gamit sa krimen habang nakatakas ang kasamahan nito.