MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa may $5 milyon halaga mula sa isang casino project ang natangay ng umanoy close associate at dating consultant ni dating Philippine Gaming Corp. (PAGCOR) Chair Efraim Genuino na si Rodolfo Soriano.
Ito ay batay sa isang exclusive report ng Reuters kaugnay ng ginawang pag- imbestiga ng US gaming regulators sa milyong dolyares na naibayad ng affiliates ng Japanese billionaire na si Kazuo Okada ng Universal Entertainment Corporation (UEC) kay Soriano noong panahon na ang kumpanya ni Okada ay naglala-lobby para manalo ang concessions sa $2-bilyon casino sa Manila Bay, Philippines.
Ang UEC ang sinasabing nagbayad ng $5-milyon noong May 2010 kay Soriano batay sa pagbusisi na ginawa ng Reuters sa bank records, corporate filings, court documents at records mula sa mga UEC staff.
Sinasabing ang $5-milyon halaga ay ibinayad sa pamamagitan ng isang shell company sa Hong Kong na bahagi ng $40 milyon na nai-transfer ng Universal’s US affiliate Aruze sa USA na kasalukuyang binubusisi ng mga imbestigador.
Sinasabing ang document trail na nakakonekta kay Soriano para sa ibinayad na $5-milyon ay hindi agad naiulat.
Sinabi naman ni PAGCOR legal counsel Jay Santiago na ang bagong pagbubunyag ay malaking tulong sa ahensiya upang higit na mapalakas ang kasong plunder na naisampa nila kay Genuino at mga tauhan nito.
Si Genuino ay nagbitiw noong Hunyo 2010 habang si Soriano ay sumunod na nagbitiw bilang consultant.
Samantala, sinabi naman ng Palasyo na puwedeng kanselahin ng PAGCOR ang kontrata ng UEC ni Okada sa sandaling matuklasan na nakakuha ito ng kontrata sa pamamagitan ng ‘bribery’.
Ito ang binigyang-diin ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda matapos makausap niya si PAGCOR chairman Cristino Naguiat, pero iimbestigahan muna ng PAGCOR ang ulat na sinasabing ang dating consultant na si Soriano ay tumanggap ng $5 milyong suhol mula sa Okada firm para mapagwagian nito ang $2-bilyon casino deal sa Manila Bay.