‘Basag-bukas kotse gang’ huli

MANILA, Philippines - Huli ang isang lalaki na miyembro ng notoryus na Basag-Bukas Kotse gang na umano’y responsible sa serye ng mga insidente ng pagnanakaw sa mga sasakyan sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Senior Insp. Rodrigo de Dios, hepe ng Station and Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasig City Police, ang suspek na si Richie Nuñez. 34, residente ng Jenny’s Avenue, Brgy. Rosario, Pasig City.

Ayon kay De Dios, ang suspek ay naaresto matapos mahuling aktong kinukuha  ang mga mahahalagang gamit mula sa kotse ng isang Janet Washington, 42, ng 2805 Grand Emerald Tower, Ortigas Center, Pasig City.

Ayon sa report, dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa Robles St., Eastbank Road cor. E. Rod. Ave., Brgy. Manggahan, Pasig City.

Ayon kay Janet, ipinarada niya ang kanyang Toyota Fortuner (ZEP-422) sa harap ng furniture shop at nakapagtatakang mabuksan ng suspek.

Kasalukuyang kinukulimbat ng suspek ang mga gamit sa loob ng sasakyan ng arestuhin siya ng mga awtoridad dahil na rin sa sumbong ni Janet.

 

Show comments