MANILA, Philippines - Isang elementary school principal ang tinodas ng dalawang lalaki na nakamotorsiklo habang isang guro rin ng pampublikong paaralan ang dinukot ng mga armadong kalalakihan sa magkahiwalay na insidente sa Mindanao.
Kinilala ni Tawi-Tawi Provincial Police Office (PPO) Director P/Supt. Rodelio Jocson ang biktima na si Conchita “Chin” Franciso, 62-anyos, principal sa Mindanao State Universit (MSU) Laboratory Elementary School na idineklarang dead-on- arrival sa ospital dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ayon kay Jocson, bandang alas- 6:00 ng gabi matapos na dumalo sa misa sa Holy Rosary Parish Church sa kapitolyo ng Bongao ang biktima nang ito ay pagbabarilin ng mga suspek na nakamotorsiklo.
Is sa nakikitang anggulo ng mga imbestigador sa krimen ay professional jealousy dahil sa kinainggitan umano ang biktima nang ito ay gawing principal ng MSU noong Hunyo.
Samantala, kinidnap naman ng may 12 mga armadong kalalakihan kamakalawa ng gabi ang gurong si Flordeliza Ongchua, residente ng Brgy. Labuan, Zamboanga City.
Sa ulat ng Zamboanga City Police bigla na lamang sumulpot sa lugar ang mga armadong suspek at hinahanap si Brgy. Chairman Oning Maravilla.
Nang hindi makita si Maravilla ay pinasok ng mga ito ang bahay ni Ongchua at kinaladkad bago isinakay sa pump boat sa tabing dagat saka tumahak sa hindi pa mabatid na destinasyon.
Nabatid na bago ang insidente ay nakatanggap ng pagbabanta ang komunidad sa kanlurang baybayin ng Zamboanga City at Zamboanga del Norte na magsasagawa ng pangingidnap ang mga bandidong Abu Sayyaf Group at kaalyadong rogue elements ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa kanilang lugar.