Kabit ni misis dedo kay mister

MANILA, Philippines - Pinatay sa saksak ng isang mister ang kabit ng kanyang misis matapos nitong maaktuhan ang ginagawang pagtataksil sa likuran ng isang bahay sa Brgy. Bubuyan, Calamba City, Laguna kamakalawa ng gabi.

Ang nasawing biktima dahil sa mga saksak ay kinilalang si Ro­bert Rocapor, 32-anyos, backhoe operator, tubong Pangasinan at residente ng South Ville, Brgy. Banay-Banay, Cabuyao City ng lalawigang ito.

Ang suspek na tumakas ay kinilalang si Wilfredo Pasadilla, nasa hustong gulan, tubong Bicol Region at residente ng nasabing lugar.

Base sa ulat, bandang alas-6:30 ng gabi ay nakipag-inuman ang biktima sa mga kasamahan nitong manggagawa para ipagdiwang ang kaarawan ng isa nilang kaibigan na si Junjun Arguila.

Sa kainitan ng inuman ay nagpaalam sandali ang biktima at  nagtungo ito sa likuran ng isang bahay sa nasabing lugar at kinatagpo ang misis ng suspek na tinukoy lamang sa pangalang Jennelyn.

Sa gitna ng mainit na yakapan at halikan ng biktima at ng nasabing babae ay dumating ang  suspek na hinahanap ang misis at napagawi sa likuran ng isang bahay matapos na marinig ang tila nakikili­ting  babae at laking gulat nito nang maaktuhan ang dalawa.

Sinugod ng saksak ng suspek ang biktima na tinamaan sa kaliwang tuhod na bagaman nagawa pang makatakbo ay hinabol at ng maabutan ay pinagsasaksak ulit.

Show comments