MANILA, Philippines - Dahil umano sa pagtatapon ng nakakalasong kemikal sa karagatan ng Pilipinas kaya pinasususpinde ng isang kongresista ang US contractor.
Sinabi ni Bayan Muna Party list Rep. Teddy Casiño, dapat suspindihin agad ang operasyon ng nasabing contractor na nagtapon ng toxic waste sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) matapos isagawa ang joint military exercises.
Pangamba ng mambabatas, posibleng dati pa umano nagtatapon ng toxic waste sa karagatan ng Pilipinas at ngayon lamang ito nadiskubre. Dahil dito kayat dapat umanong magkaroon ng komprehensibong imbestigasyon ang kongreso at ipatawag ang mga sangkot sa insidente gayundin ang kliyente ng Glenn Defense Marine Asia isang Malaysian contractor na nag ooperate sa ilang bansa.
Base sa ulat, nito lamang Oct. 15 nagsagawa ng inspeksyon ang SBMA Ecology Center personnel sa Glenn Guardian, habang nakadaong sa Naval Supply Depot area dahil sa isang “hazard call” mula sa isa pang free port locator.
Sa kopya ng SBMA spot report, lumabas na may dala ang tanker na nasa 189,500 litro ng domestic waste at 760 litro ng bilge water (kombinasyon ng tubig, langis at grasa), na kinuha mula sa Emory Land, isang US Navy ship.