MANILA, Philippines - Inaresto ang isang 48-anyos na tindero matapos nitong gahasain ang isang 9-anyos na batang babae at pagkatapos ay binayaran ng P100 naganap kamakalawa sa Las Piñas City.
Ang suspek na kinasuhan ng “statutory rape” ay kinilalang si Antonio Nillas, alyas “Boy at Tony”, 48-anyos, ng Block 3, Lot 3, Casimiro Townhomes, St. Joseph, Pulang Lupa 2, ng naturang lungsod.
Batay sa ulat, naganap ang panggagahasa dakong alas-10:00 kamakalawa ng umaga sa madamong bahagi ng Casimiro Townhomes.
Ayon sa biktima na isang grade 2 pupil na pinangakuan umano siya ng suspek na bibigyan ng P100 para lamang sumama sa kanya sa damuhan.
Pumalag naman ang biktima ngunit sapilitan itong hinila ng suspek at hinalay siya.
Matapos ang panghahalay, binigyan ng suspek ng P100 sa biktima na agad naman na nagsumbong sa kanyang ina at humingi ng tulong sa mga barangay tanod at inaresto ang suspek.