MANILA, Philippines - Pagkalipas ng apat na araw matapos gawin ang pagpatay sa misis sa harap ng dalawang paslit na anak noong Linggo sa loob ng isang motel ay sumuko na kahapon si PO3 Ronald Fontejon, nasa hustong gulang, nakatalaga sa Police Security Protection Group (PSPG) sa Kuwait Embassy sa Manila.
Lumalabas sa imbestigasyon na kaya pinatay ni PO3 Fontejon ang biktimang si Kylie Ann Barocca, 30, ng Tanza, Cavite ay dahil sa ayaw na umano nitong makipagbalikan at tumanggi rin magpakasal na ikinagalit ng una.
Napag-alaman na papaalis na muli si Barocca patungong Qatar, para sa inaplayan nitong lady truck driver kaya’t niyaya ito ng suspek na magsimba na lamang at isinama ang kanilang dalawang anak.
Subalit, sa halip sa simbahan magtuloy ay pumasok sila sa Beehive Traveler’s Inn, sa Sampaloc, Maynila na kung saan dito naganap ang pamamaslang sa biktima sa pamamagitan ng pagsakal gamit ang straw sa harap ng dalawang anak na paslit.
Kamakalawa ng gabi nang mapilitan itong sumuko sa isang heneral sa PNP-Camp Crame sa Quezon City, at sa pamamagitan ni Capt. De Ocampo tinungo nila ang Camp Crame at kahapon ay binitbit na sa MPD para sampahan ng kasong murder.
Kaugnay nito, nasa kustodiya na ng mga magulang ng biktima ang mga anak na nasa edad 3 at 4. – Ludy Bermudo, Joy Cantos