MANILA, Philippines - Isang dalaga na bagong graduate ngayong taon sa University of Santo Tomas ang sinaksak ng 49 beses at natagpuang patay sa isang kubo nitong bisperas ng Undas sa Bacoor City, lalawigan ng Cavite.
Ang nasawi ay kinilalang si Cyrish Magalang, isang alumna ng UST College of Tourism and Hospitality Management.
Batay sa ulat, dakong alas-7:30 ng umaga nang matagpuang patay ang biktima sa loob ng kubo sa bahagi ng Gawaran Heights, Brgy. Molino 7, ng lungsod.
Ang biktima ay tadtad ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan, nakagapos ng straw ang mga kamay.
Nakasuot ang biktima ng kulay puting blusa, kulay itim na short pants at kulay itim na sapatos.
Nabatid na isang magsasaka na kinilalang si Sosimo Castor at Erwin Albar ang nakadiskubre sa bangkay habang sila ay nagdidilig ng kanilang mga pananim na pechay.
Hindi pa batid kung ang biktima ay hinalay dahil sa nakababa na ang short pants nito nang matagpuang naliligo sa dugo.
Hindi pa batid kung mahigit sa dalawa ang suspek na pinaghihinalaang mga adik.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng pulisya na bumibili ng barbecue ang biktima pasado alas-8:00 ng gabi noong Martes sa kanto ng Camella Subdivision nang tangayin ng mga suspek na nakasakay sa tricycle.
Bukod sa mga saksak ay sumabog din ang ulo ng biktima matapos hampasin ng matigas na bagay.