MANILA, Philippines - Posibleng agad na malutas ng pulisya ang kaso ng pagpatay sa isang 44-anyos na sekyu na bago nalagutan ng hininga ay naisulat nito sa sahig sa pamamagitan ng sariling dugo ang pumatay sa kanya, naganap kahapon ng umaga sa Los Baños, Laguna.
Kinilala ni Laguna police director, Senior Superintendent Fausto Manzanilla, ang nasawing biktima na si Robert Dipon, ng Asian Treasury Agency na nagawa nitong maisulat sa pamamagitan ng kanyang dugo ang pangalang Bernardo.
Ang tinutukoy ng biktima na Bernardo ay walang iba kundi ang kasama nitong sekyu na si Bernardo Tandang na agad tumakas.
Batay sa ulat, dakong alas-9:00 ng umaga nang matagpuang patay ng isang kawani ang biktima na may tama sa likod sa likuran ng binabantayang Emilio Lim Appliances Store sa kahabaan ng Lopez Ave., Barangay Batong Malake ng nasabing lalawigan.
Lumalabas din na hindi kinuha ang P70,000 sa vault at mamahaling gamit sa loob ng tindahan.