MANILA, Philippines - Nanawagan ang isang Obispo sa publiko na mag-ingat sa mga pekeng pari na maaaring magsamantala ngayong panahon ng Undas upang magkapera.
Sinabi ni Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso, maraming nagpapanggap na pari sa ganitong okasyon at nag-aalok ng basbas ng mga puntod para lamang makakuha ng ‘donasyon’ mula sa mga tao.
Pinaalalahanan ng Obispo ang mga mamamayan na hanapan ng ID o tinatawag na “celebret” ang isang nagpapakilalang pari para matiyak kung tunay itong alagad ng simbahan o isang huwad lamang.
Ipinaliwanag ni Medroso na ang celebret ay nagsisilbing ID ng pari na inisyu sa Dioceses o Archdioceses na kaniyang kinabibilangan at pirmado ng kaniyang Obispo o Arsobispo.