MANILA, Philippines - Mistulang humabol sa Araw ng Undas ang limang katao habang mahigit 20 ang nasugatan makaraang ang sinasakyan nilang pampasaherong bus ay mahulog sa malalim na bangin sa Brgy. Poblacion Kaputian, Island City of Samal, Davao.
Namatay noon din ang mga biktimang sina Simporiano Rubio; Mary Hazel Monion; Milagros Maghanap; Alfredo Baja at Marjun Senok.
Isinugod naman sa Samal Emergency Hospital ang mahigit 20 pasahero na nasugatan sa insidente upang malapatan ng lunas.
Batay sa ulat, dakong alas-11:20 ng umaga ay kasalukuyang bumabagtas sa Sitio 16, Brgy. Kaputian, Island City of Samal, Davao ang Island City Express (LWU 812 ) sakay ang 30 pasahero nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver matapos masiraan ang preno.
Bumaliktad ito sa kaliwang bahagi ng matarik na highway hanggang sa tuluyang mahulog sa bangin ang bus.