MANILA, Philippines — Walang pahi-pahinga para sa Meralco na sasalang ulit kontra naman sa kapatid na TNT Tropang Giga sa pagpapatuloy ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup elimination round sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Ang Bolts ang nagbukas ng Bagong Taon sa PBA noong Linggo at hindi papaawat kahit pa kontra sa Tropang Giga ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang laban ng Terrafirma (0-7) at Phoenix (1-5) sa alas-5 ng hapon.
Umeskapo ang Meralco sa Hong Kong Eastern, 88-83, para maputol ang two-game losing skid at makaangat sa 4-2 kartada sa Top 6 sa kalagitnaan ng elimination rounds.
Napalakas ng Bolts ang playoffs goals nito subalit bukod doon ay nanatiling nasa kontensyon para sa Top-2 finish tampok ang twice-to-beat incentive sa quarterfinals.
Nakabuntot lang ang Meralco sa NorthPort (6-1), Rain or Shine (4-1), Converge (6-2), Ginebra (5-2) at Eastern (6-3) kaya’y kung makakalusot sa TNT ay lalong lalakas ang kanilang tsansa.
Dagdag pa rito ang pagbabalik nina Chris Banchero, Raymond Almazan, CJ Cansino at Brandon Bates upang samahan sina import Akil Mitchell, Chris Newsome, Bong Quinto at Cliff Hodge.
Subalit hindi magpapataob ang TNT kahit pa may kalawang nang huling maglaro noong Disyembre 19 tampok ang 109-93 panalo.
Maalat ang naging simula ng TNT sa 0-2 kartada matapos pagharian ang Governors’ Cup subalit nakaiskor na ng dalawang sunod na panalo upang makahabol sa 2-2 kartada.
Walang plano ang Tropang Giga na mahinto ito kahit pa Bolts ang nakaharang sa kanilang daan .