MANILA, Philippines — Magpapahinga muna si Kai Sotto matapos ma-injure sa laban ng Koshigaya Alphas sa Japan B.League 2025 season noong Linggo ng gabi sa Japan.
Nagsisimula pa lamang ang laban na nasa tatlong minuto pa lamang sa first quarter.
Kumana ang Pinoy cager ng isang atake sa shaded area ngunit masama ang naging bagsak nito dahilan para magtamo ng injury sa tuhod.
Kita sa mukha ni Sotto ang tindi ng sakit na naramdaman nito.
Tinulungan itong makabalik sa bench.
Hindi na muling nasilayan sa aksiyon si Sotto kung saan lumasap ang Alphas ng dikit na 77-79 kabiguan.
Nahulog ang Koshigaya sa 8-20 rekord para magkasya sa ika-20 posisyon sa standings.
Maganda ang inilalaro ni Sotto sa season na ito kung saan hawak nito ang averages na 13.8 points, 9.6 rebounds, 2.0 assists at 1.1 blocks kada laro.
Wala pang linaw kung gaano kalala ang injury ni Sotto.