Hawks nilunod ng Clippers sa pagbabalik ni Leonard

Prinotektahan ni Kawhi Leonard ng LA Clippers ang bola laban kay Hawks guard Trae Young.
STAR/File

INGLEWOOD, Calif. — Umiskor si Norman Powell ng 20 points habang may 12 markers si Kawhi Leonard sa una niyang laro sa season para gabayan ang Los Angeles Clippers sa 131-105 pagpulutan sa Atlanta Hawks.

Sumalang si Leonard, hindi nakalaro sa 34 laban dahil sa kanyang right knee injury, sa loob ng 19 minuto at naglista ng 4-of-11 field goal shooting.

Humakot si Ivica Zubac ng 18 points at 18 rebounds at may 17 markers si Amir Coffey para sa pagpigil ng Clippers (20-15) sa isang two-game losing skid.

Pinamunuan ni Trae Young ang Hawks (18-18) sa kanyang 20 points at 14 assists habang may 18 markers si De’Andre Hunter.

Mula sa 36-35 abante sa pagbubukas ng second quarter ay naghulog ang Los Angeles ng isang 27-4 bomba kasama ang siyam na puntos ni Coffey para iwanan ang Atlanta sa se­cond half.

Sa San Francisco, nag­lista si Andrew Wiggins ng 24 points at may 17 markers si Dennis Schroder sa 121-113 panalo ng Golden State Warriors (18-16) sa Memphis Grizzlies (23-13).

Sa San Antonio, kumolekta si Nikola Jokic ng 46 points at 10 rebounds at pinalungkot ng Denver Nuggets (20-14) ang pagdiriwang ni Victor Wembanyama ng kanyang ika-21 kaarawan sa 122-111 panalo sa Spurs (18-17).

Sa Miami, humataw si Brice Sensabaugh ng career-high 34 points sa 136-100 pagbugbog ng Utah Jazz (8-25) sa Heat (17-16).

Sa Milwaukee, nagkadena si Anfernee Simons ng 28 points para igiya ang Portland Trail Blazers (12-22) sa 105-102 pagtakas sa Bucks (17-16).

Show comments