MINNEAPOLIS — Humakot si Jayson Tatum ng 33 points, 9 assists at 8 rebounds para banderahan ang 118-115 pagtakas ng nagdedepensang Boston Celtics sa Minnesota Timberwolves.
Nag-ambag si Derrick White ng 26 points para sa Celtics (25-9), habang may 15 markers si Sam Hauser mula sa kanyang limang three-pointers.
Hindi naglaro sina Jaylen Brown at Kristaps Porzingis.
Pinamuuan ni Julius Randle ang Timberwolves (17-16) sa kanyang 27 points at 8 boards.
May 20 markers si Naz Reid kasunod ang 19 markers ni Jaden McDaniels para sa Minnesota na binura ang isang eight-point deficit sa huling dalawang minuto.
Ngunit kapos ang tangkang triple ni Anthony Edwards sa pagtunog ng final buzzer.
Matapos ipanalo ang 16 sa kanilang unang 19 games ay naglista ang Boston ng malamyang 8-6 record noong Disyembre.
“No JB. No KP. We’ve had a rough stretch this last eight or nine games,” ani Tatum. “So this January we’re going to try to turn it around and get back to our identity.”
Ang dalawang free throws at dalawang tres ni Tatum, bahagi ng isang 16-6 atake, sa pagtatapos ng second quarter ang nagbigay sa Celtics ng 62-51 halftime lead.
Sa Miami, tumipa si Tyrese Haliburton ng 33 points at 15 assists at may 21 markers si Myles Turner sa 128-115 pagpapalamig ng Indiana Pacers (17-18) sa Heat (17-15).
Sa Oklahoma City, kumamada si Shai Gilgeous-Alexander ng 29 points para akayin ang Thunder (28-5) sa franchise-record na ika-13 sunod na panalo sa 116-98 paggupo sa Los Angeles Clippers (19-15).
Sa Milwaukee, bumanat si Cam Johnson ng 26 points, habang may 24 markers si Cam Thomas sa 113-110 pag-eskapo ng Brooklyn Nets (13-21) sa Bucks (17-15).
Sa San Francisco, nagbagsak si Stephen Curry ng 30 points tampok ang walong tres sa 139-105 paggiba ng Golden State Warriors (17-16) sa Philadelphia 76ers (13-19).