MANILA, Philippines — Hindi man nakakuha ng kahit isang leg na panalo sa Triple Crown ay matagumpay pa rin ang taong 2024 para sa connections ng kabayong Batang Manda.
Ito ay dahil nasungkit ng Batang Manda ang prestihiyosong karera ng taon na Presidential Gold Cup na inilarga sa Metro Turf sa Malvar, Tanauan City sa Batangas noong Disyembre 8.
Tatlong beses sumubok ang Batang Manda na makapanalo sa Triple Crown pero nabigo ito.
Sa 3rd Leg ay sumegunda lang ang pambato ni horse owner Benjamin Abalos Jr.
Pero sa PGC stakes race ay muling sinakyan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema ang Batang Manda at naipanalo nito ng banderang tapos.
Maganda ang pagkakadala ni Dilema sa Batang Mandana ipinuwesto pa rin sa unahan ang ginawang diskarte at natipid nito ang lakas ng kabayo kaya pagsapit ng rektahan ay nakatagal sila sa unahan sa karerang inisponsora ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Tumataginting na P7.2 milyon ang napanalunan ng Batang Manda kaya masaya ang naging Pasko ng Abalos stable na kinabibilangan ng trainer, jockey, sota at iba pang nag-aalaga sa kabayo.
Dahil sa panalo ay mauukit ang pangalan ng Batang Manda sa history ng karera at maisasama sa kuwentuhang ng mga PGC winners.
Kaya posibleng mag-uumento pa ang husay ng Batang Manda sa 2025.
Bukod sa PGC ay naipanalo rin ni Dilema ang Open Billing sa 11th Pasay “The Travel City” Grand Cup na inilarga rin sa nasabing petsa.
Nakopo rin ng winning horse owner na si Abalos ang P600,000.