Amit maningning ang kampanya sa taong 2024

MANILA, Philippines — Umukit ng kasaysayan ngayong 2024 para sa Philippine Billiards si Pinay cue artist Rubilen ‘Bingkay’ Amit matapos ikahon ang pangatlong World titles.

Bago naman magtapos ang taon ay naihabol ni Jefrey Roda ang pangarap niyang maging kampeon ng manalo sa 3rd Universal Chinese-Taipei Open na ginanap sa Taipei, Taiwan nitong Disyembre.

Sinargo ng 43-anyos na si Amit ang korona sa 29th World Pool-Billiard Association (WPA) World Women’s 9-Ball Championship na nilaro sa Hamilton, New Zealand noong Setyembre.

Kinalos ni Amit si 2017 titlist Chen Siming ng China, 3-1 para maging unang Pinay na kumopo ng pandaigdigang korona sa 9-ball at maging three-time World Champion.

Unang naging world champion si Amit sa WPA 10-Ball Championship noong 2009 at pangalawa noong 2013.

Naunang nagpasiklab ngayong taon ang Team Phi­lippines na pinamunuan ng 41-anyos na si Carlo Biado, nasilo nila ang 2024 CPBA 9-Ball Teams Invitational tournament sa New Taipei City, Taiwan noong Mayo.

Nakasama ni former WPA World champion Biado sina Johann Chua, James Arañas, Jeffrey Ignacio at Bernie Regalario para payukuin ang mga pambato ng Chinese Taipei na sina Ko Ping Chung, Chang Jung Lin, Chang Yu Lung at Wu Kun Lin at Ko Pin Yi.

Naghari naman si Chua, 32, sa 2024 Mansion Sports Hà N?i Open Pool Championship na ginanap noong Oktubre 13 sa M? Ðình Indoor Athletics Palace sa Hanoi, Vietnam.

Pinagpag ni Chua sa race-to-13 finals si Ko Pin Yi ng Chinese Taipei, 13-7 para ibulsa ang $30,000 (P1.7 milyon) premyo.

Pagkauwi ng Pilipinas ay inakbayan nina Chua at Biado ang Team Asia na pinamunuan ni non-playing captain Reyes sa naganap na ‘Reyes Cup’ sa Ninoy Aquino National Stadium sa Maynila.

Show comments