Amit tutumbok sa World Games

MANILA, Philippines — Pasok na si world champion Rubilen Amit sa prestihiyosong World Games na idaraos sa susunod na taon sa Chengdu, China.

Nakakuha ng tiket sa World Games si Amit matapos ang kanyang runner-up finish sa Asian 10-Ball Women’s Pool Championships na ginanap sa Doha, Qatar.

Nagkasya lamang sa pilak si Amit matapos yumuko kay Liu Shasha ng China sa gitgitang 7-6 desisyon sa championship round.

“Finished 2nd in the Asian 10-Ball Women’s Pool Championships here in Doha, Qatar,” ani Amit sa kanyang post sa social media.

Ngunit sapat na ang runner-up finish nito para makapasok sa World Games.

“With this victory, I have qualified for the 2025 World Games in Chengdu, China,” dagdag ni Amit na kampeon sa WPA Women’s World 10-Ball Championship noong 2009 at 2013 edisyon ng torneo.

Nagtapos naman sa ikatlong puwesto si Chezka Centeno kasama si Chinese player Yu Han.

Tinalo ni Amit si Yu sa semifinals para maisaayos ang championship showdown kay Liu.

Kamakailan lamang ay nagkampeon si Amit sa prestihiyosong WPA Women’s World 9-Ball Championship na ginanap sa New Zealand noong Setyembre.

Sinundan ito ng Southeast Asian Games multi-gold medalist ng bronze finish sa 2024 Ladies China Open.

Sumabak din si Amit sa WPA World 10-Ball Wo-men’s Championship at Kamui Mixed Doubles events na ginanap sa San Juan, Puerto Rico noong Nobyembre.

Makakasama ni Amit sa Team Philippines na sasabak sa World Games ang national floorball team at dragon boat team gayundin si Paris Olympics veteran Hergie Bacyadan na nauna nang nagkwalipika para sa world meet. 

Show comments