MANILA, Philippines — Pinaglaruan ng Pecotin Lady ang mga nakatunggali upang sikwatin ang titulo sa CondW. Karen T. Javier Juvenile Fillies Championship na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Paglabas ng aparato ay sinunggaban agad ng Pecotin Lady ang unahan pero tinipid lang siya ng hinete nitong si Kelvin Abobo.
Kinapitan ang Pecotin Lady ng Sunset Beauty kaya ang ginawa ni class A rider Abobo ay hindi nito masyado pina-alagwa ang winning horse nakuntento lang sa lamang na kalaha-ting kabayo.
Papalapit ng far turn ay hindi nagbago ang bentahe ng Pecotin Lady, pero bago dumating ng huling kurbada ay unti-unti ng umungos ang pambato ng Rich Racing Running stable.
Lumamang ng tatlong kabayo ang Pecotin Lady sa rektahan kaya naman magaan nitong nakuha ang panalo sa event na inisponsoran ng Andok’s Litson Corporation na pag-aari ni horse owner Zandy Javier.
Tinawid ng Pecotin Lady ang meta ng may limang kabayong agwat sa pumangalawang Sunset Beauty.
Nakopo ng Pecotin Lady ang P300,000 prem-yo, napunta sa Sunset Beauty ang second place prize na P112,500 habang P62,500 at P25,000 ang third at fourth na Inspiring Journey at Marvin’s Pride, ayon sa pagkakasunod.
Naibulsa naman ng breeder ng nanalong kabayo ang P30,000 habang P15,000 ang second at third placers.
Hinihahanda na agad ang Pecotin Lady para sa susunod nitong laban kaya asahang aabangan ito ng kanyang mga tagahanga.
Samantala, bilang pagbibigay daan sa pagdiriwang ng Araw ng Kapaskuhan walang karerang isasagawa ngayong araw at magbabalik ang pakakerara sa Disyembre 27 sa Biyernes.