Midnight Bell bumandera sa Juvenile

MANILA, Philippines — Ipinakita ng Midnight Bell ang husay matapos angkinin ang korona sa Amb. Antonio M. Lagdameo Juvenile Championship Cup na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.

Kumaripas sa largahan ang Coming Earli upang ha­­wakan kaagad ang unahan, pero kinapitan ito ng Mid­­night Bell para lutsahin at pahirapan ang katunggali.

Bumilis ang karera dahil sa pagtatagisan ng Co­ming Earli at Midnight Bell kaya naiwanan nila ng anim na kabayo ang Habebi Scout na nasa tersero puwesto, ha­bang pang-apat ang Asterling Pounds.

Bakbakan pa rin sa unahan ang Coming Earli at Mid­night Bell sa far turn, pero papasok ng huling kurbada ay inagaw na ng winning horse ang bandera.

Sa rektahan ay lumamang ng dalawang kabayo ang Midnight Bell sa Coming Earli pero malakas naman ang dating ng Habebi Scout.

Subalit nanatiling matatag ang Midnight Bell kaya hindi na rin nakahabol ang Habebi Scout.

Sinakyan ni Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year Jonathan Basco Hernandez, inirehistro ng Midnight Bell ang tiyempong 1:44 sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang P900,000 premyo sa event na inisponsoran ng Philippine Thoroughbred Owners and Breeders’ Organazation, Inc. (PHILTOBO).

Tinawid ng Midnight Bell ang meta na may tatlong kabayo ang agwat sa pumangalawang Habebi Scout, tersero ang Coming Earli, habang pang-apat ang Asterling Pounds.

Show comments