MANILA, Philippines — Inilabas ni Leo Mhar Lobrido ang bangis nito para masikwat ang gintong medalya sa 4th Greater Area Bay Youth Boxing Challenge na ginanap sa Shenzhen, China.
Namayagpag ang Ramon Torres National High School student na si Lobrido sa men’s light flyweight division matapos isa-isang payukuin ang kanyang mga karibal.
Nasiguro ng Bago City ang nag-iisang gintong medalya ng Pilipinas sa torneong nilahukan ng mahuhusay na junior boxers mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon.
Suportado ng Philippine Sports Commission at Association of Boxing Alliances in the Philippines ang kampanya ni Lobrido sa naturang event.
Masaya si Lobrido sa kanyang tagumpay matapos ang ilang kabiguan sa kanyang mga nakalipas na torneong nilahukan.
“I finally got the gold,” ani Lobrido sa kanyang post sa social media.
Matatandaang nakasikwat ng gintong medalya si Lobrido sa 46-kilogram schoolboys division sa 2023 Palarong Pambansa.
Sumabak din si Lobrido sa ASBC Asian Junior & Schoolboys & Schoolgirls Boxing Championships sa Al Ain City, United Arab Emirates noong Agosto.