2nd win itinagay ng Beermen

Nakalusot si San Miguel import Torren Jones mula sa depensa ng Blackwater.
PBA Image

MANILA, Philippines — Itinagay ng nagdedepensang San Miguel ang ikalawang sunod na pa­nalo matapos basagin ang Blackwater, 115-102, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Umiskor si import Torren Jones ng 29 points at humakot si eight-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 27 points, 22 rebounds at 6 assists para itaas ang baraha ng Beermen sa 3-2.

Galing ang tropa ng nagbabalik na si coach Leo Austria sa 106-88 paggiba sa Terrafirma.

“I’m not yet so happy kasi iyong turnover namin mataas eh. And then a little bit of scrappy in the first quarter,” ani Austria. “But kahit ano pang sama ng laro, a win is a win.”

Lagapak ang Bossing, nakahugot kay import George King ng 40 points, sa 1-4 marka at bigong maduplika ang naunang 114-98 paggulat sa Meralco Bolts.

Lumamang ang Blackwater sa 41-35 matapos ang three-point play ni Fil-Am guard Sedrick Barefield sa second period bago nakabawi ang San Miguel at inagaw ang 55-48 halftime lead.

Ang slam dunk ni King ang nagtabla sa Bossing sa 73-73 sa third period kasunod ang isang 12-4 atake ng Beermen para isara ang nasabing yugto bitbit ang 85-77 bentahe.

Huling naghamon ang Blackwater sa 98-106 mula sa three-point shot ni RK Ilagan sa 3:02 minuto ng fourth quarter kasunod ang anim na puntos ni Fajardo para ilayo ang SMB sa 113-98 sa huling 1:29 minuto.

Show comments