Liyamadista durog ang bulsa kay Unforgetable

MANILA, Philippines — Lupaypay ang balikat ng mga liyamadista matapos manalo ng Unforgetable sa 2-Year-Old Maiden Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.

Humarurot na lumabas ng aparato ang Unforgetable sa largahan pero hinabol agad siya ng Robotic Clay kaya hinayaan na lang nitong mauna.

Nakalamang agad ang Robotic Clay ng apat na kabayong agwat sa pumapangalawang Toy Of Maxinne habang nasa pangatlo ang Unforgetable.

Pagsapit ng far turn ay nasa unahan pa rin ang Robotic Clay habang nasa pangalawang puwesto na ang Unforgetable at kasabay nitong rumeremate ang top favorite na Waltzing Matilda.

Pagdating ng huling kurbada ay kumakapit na ang Unforgetable sa Robotic Clay habang nasa bandang labas naman ang Waltzing Matilda.

Sa Rektahan ay naagaw na ng Unforgetable ang unahan, malakas naman ang dating ng Waltzing Ma­tilda at Swift Andri.

Hindi naman natinag ang Unforgetable at nanalo ito ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang Waltzing Matilda.

Sinakyan ni jockey Jonathan Flores, nirehistro ng Unforgetable ang tiyempong 1:15 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ang P22k added prize para sa winning horse owner na si Gabriel Gaerlan.

Terserong tumawid ng meta ang Swift Andri habang pumang-apat ang Robotic Clay.

Show comments