Fighting Maroons dikit na sa titulo

Tumira si JD Cagulangan ng UP sa harapan ng La Salle defender.
UAAP photo

MANILA, Philippines — Namumuro ang University of the Philippines sa pagsilo ng kanilang pang-apat na korona matapos nilang kalusin ang defending champion De La Salle University, 73-65 sa Game 1 ng UAAP Season 87 men’s basketball finals na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

Uminit ang opensa ng Fighting Maroons sa fourth quarter ng pa­ngunahan nina Quentin Millora-Brown at Aldous Torculas ang 11-4 run ng UP para hawakan ang 11-point lead, 65-54 may 5:35 minuto pa sa orasan.

Natapyasan ng La Salle sa apat na puntos ang hinahabol, 61-65 matapos magtala ng back-to-back layups ni Mike Philips para pagbidahan ang kanilang 7-0 run nila may 1:42 na lang sa payoff period.

Subalit determinado ang Fighting Maroons, nanatili ang kanilang tikas hanggang sa dulo upang maitakas ang importanteng panalo.

Tumikada si Millora-Brown ng 17 puntos habang bumakas si JD Cagulangan ng 13 para sa UP na may tsansa na tapusin ang serye sa Game 2 sa Miyerkules sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tumulong din sa opensa para sa Fighting Maroons sina Francis Lopez at Gerry Abadiano na nirehistro ang 13 at siyam na puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nakitaan ng bangis ang Green Archers sa first quarter nang hawakan nila ang anim na puntos na bentahe, 18-11, ngunit mabalasik din ang laro ng Fighting Maroons kaya nanatili silang nakadikit at natapyasan nila sa dalawang ang hinahabol, 41-37 sa halftime.

Nilista naman ni Kevin Quiambao ang 19 markers pero hindi sapat upang itaguyod sa panalo ang Green Archers na kaila­ngan manalo sa Game 2 upang makahirit ng do-or-die Game 3.

Show comments