Ajido nagningning sa SEA Age

Jamesray Michael Ajido
STAR/File

MANILA, Philippines — Nagpasiklab si ve­teran campaigner Jamesray Michael Ajido nang magrehistro ito ng bagong marka sa 46th Southeast Asian Age Group Championships na ginaganap sa Assumption University swimming pool sa Bangkok, Thailand.

Naibulsa ni Ajido ang gintong medalya matapos wasakin ang rekord sa boys’ 14-15 50-meter butterfly sa bilis na 25.53 segundo.

Binura ng 15-anyos na De La Salle Greenhills Grade 10 student ang dating marka ni Vietnamese Nguyen Hoang Khang (25.71) na nailista noong 2018 edisyon.

Ito ang unang ginto ng Team Philippines sa three-day meet.

Tinalo ng Asian Age Group Championships gold medalist na si Ajido sina Gusti Pramana ng Indonesia (25.98) at Khattawan Juhara ng Thailand (26.00) na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.

Magandang panalo ito para kay Ajido para mai­dagdag sa kanyang pilak sa 50m freestyle.

Nauna nang nakapilak si World Junior Championship campaigner Micaela Jasmine Mojdeh sa girls’ 100m butterfly habang naka-tanso naman si Ivo Nikolai Enot sa boys’ 100m backstroke.

Kasama sina Ajido, Mojdeh at Enot sa 12-man swimming team na ipina­dala ng Philippine Aqua­tics. Inc. (PAI) at suportado ng Philippine Sports Commission.

Show comments