ZUS Coffee nilagok ng Farm Fresh

Pinagtulungan nina Trisha Tubu at Aprylle Tag­sip ng Farm Fresh si veteran star spiker Jovelyn Gonzaga ng ZUS Coffee.
PVL photo

MANILA, Philippines — Hinataw ng Farm Fresh ang ikalawang sunod na panalo matapos pi­gilan ang ZUS Coffee, 26-24, 13-25, 25-21, 25-19, sa 2024-24 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Pumalo si Trisha Tubu ng 28 points mula sa 27 attacks at isang block para tulungan ang Foxies na mailista ang 2-2 kartada.

Nag-ambag si Alyssa Bertolano ng 12 markers bukod sa 12 excellent digs at 12 excellent receptions.

Minalas naman ang Thunderbelles na maidiretso sa tatlo ang kanilang ratsada at nalaglag sa 2-2.

Nakahugot ang ZUS Coffee kay No. 1 overall pick Thea Gagate ng 16 points mula sa 12 attacks, tatlong blocks at isang service ace.

Matapos magtabla sa 1-1 ay humataw ang Farm Fresh sa third set sa pangunguna nina Tubu at Bertolano para agawin ang 2-1 bentahe.

Dumikit ang Thunderbelles sa 14-14 sa third set bago rumatsada ang Fo­xies para iposte ang 24-18 kalamangan.

Ang atake ni Tubu sa 6-foot-2 na si Gagate ang sumelyo sa panalo ng Farm Fresh.

Dadayo ang PVL bukas sa Cebu sa bakbakan ng Cignal HD (3-0) at Nxled (0-4) sa alas-4 ng hapon sa Minglanilla Sports Complex.

Magtutuos din ang Ca­pital1 Solar Energy (1-3) at Galeries Tower (0-4) sa alas-6:30 ng gabi.

Show comments