MANILA, Philippines — Sisimulan ng TNT Tropang Giga ang kanilang misyon para sa back-to-back championship.
Lalabanan ng Tropang Giga ang guest team Eastern ngayong alas-6:30 ng gabi sa PBA Season 49 Commissiner’s Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Sa unang laro sa alas-5 ng hapon ay isasalang ng Meralco Bolts at Terafirma Dyip ang kanilang mga bagong imports.
Muling gigiyahan ni two-time PBA Best Import Rondae Hollis-Jefferson ang TNT matapos akayin ang grupo sa paghahari sa nakaraang Governor’s Cup laban sa karibal na Barangay Ginebra.
“If the Governors’ Cup was difficult, I find the Commissioner’s Cup is going to be doubly, if not, 10 times more difficult,” sabi ni coach Chot Reyes sa season-ending conference na walang height limit ang mga imports.
Makakatuwang ni Hollis-Jefferson sa Tropang Giga sina Jayson Castro, Roger Pogoy, Calvin Oftana at Poy Erram, habang itatapat ng Eastern sina dating NLEX import Cameron Clark, Glenn Yang, Ying Lung Cheung at Sheik Muhammad Sulaiman.
Yumukod ang Hong Kong team sa Rain or Shine, 81-99, para sa kanilang unang kabiguan sa tatlong laro.
Sa unang laro, ipaparada ng Bolts (2-0) ang bagong import na si DJ Kennedy kapalit ni injured Akil Mitchell.
Hinugot naman ng Dyip (0-3) si Brandon Edwards para saluhin ang trabaho ni Ryan Richards at makamit ang kauna-unahang panalo.