MANILA, Philippines — Nakuntento sa draw si Pinoy FM Mark Jay Bacojo kay GM Vahap Sanal ng Turkey sa eighth at penultimate round para manatiling may tsansa sa titulo sa Singapore International Open-Group A sa Resorts World Sentosa Convention Centre, 8 Sentosa Gateway sa Singapore.
Nakapagtala si Bacojo ng anim na puntos matapos ang 107 moves marathon ng Reti opening laban kay Sanal upang makisiksik sa 15-way tie sa fourth place kasama si top seed Pavel Eljanov ng Ukraine.
May kalahating puntos lang ang hinahabol ni Bacojo sa mga nasa tuktok na sina IM AR.Ilamparthi ng India, GM Shanglei Lu ng China at Jan Klimkowski ng Poland kaya posible pang masikwat ang korona.
Makakatapat ng 19-anyos na Pinoy bet sa ninth at final round si GM Jingyao Tin ng Singapore.
Kailangan niyang manalo upang manatili sa top 5 sa event na ipinatutupad ang nine rounds swiss system at may format na 90 minutes plus 30 seconds increment.
Nasa pang 23rd place si IM Jan Emmanuel Garcia.