PHOENIX — Umiskor si Devin Booker ng 27 points habang may 21 markers si Kevin Durant para sa 113-105 pagpapasikat ng Suns sa Golden State Warriors.
Nagdagdag si Tyus Jones ng 19 points tampok ang apat sa kabuuang 18 three-point shots ng Phoenix (11-8) at may 17 markers si Grayson Allen.
Bagsak ang Golden State (12-7) sa ikaapat na dikit na kamalasan.
Tumipa si Stephen Curry ng 23 points habang may 18 at 13 markers sina Andrew Wiggins at Draymond Green, ayon sa pagkakasunod.
Inilista ng Suns ang isang 17-point halftime lead bago nakalapit ang Warriors sa 78-85 sa pagbubukas ng fourth quarter makaraang kumamada si Curry ng 15 points.
Huling nakadikit ang Golden State sa 99-105 bago kumonekta si Durant ng isang 3-pointer para ilayo ang Phoenix sa 108-99 sa huling 1:42 minuto ng laro.
Sa Salt Lake City, humataw si Kyrie Irving ng 30 points at may 24 markers si Quentin Grimes sa 106-94 panalo ng Dallas Mavericks (12-8) sa Utah Jazz (4-15).
Sa Milwaukee, humakot si Giannis Antetokounmpo ng triple-double na 42 points, 12 rebounds at 11 assists sa 124-114 pagsuwag ng Bucks (10-9) sa Washington Wizards (2-16).