MANILA, Philippines — Winalis ng Biñan Tatak Gel 1-Pacman Partylist ang may kargang ‘twice-to-beat’ advantage na Bacoor sa semifinals para itakda ang kanilang best-of-three championship series ng top-seeded Quezon sa 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA).
Kinumpleto ng third-ranked Volley Angels ang pagsibak sa No. 2 Strikers sa 25-21, 26-24, 25-21 panalo sa do-or-die Game Two ng kanilang semifinals match noong Miyerkules ng gabi sa Alonte Sports Arena sa Laguna.
Nauna nang tinalo ng Biñan ang Bacoor sa Game One, 25-18, 25-18, 25-16, sa MPVA na itinatag ni dating Senator at MPBL chairman Manny Pacquiao.
Kaagad namang pinatalsik ng Quezon ang No. 4 seed Rizal sa isa pang semis game.
Sa panalo ng Volley Angels kontra sa Strikers sa Game Two ay humataw si Erika Jin Deloria ng 16 points mula sa 15 hits at isang service ace.
Nagdagdag sina Shane Carmona at May Ann Nuique ng tig-11 points para sa Biñan na nakalasap ng 19-25, 23-25, 20-25 at 25-20, 22-25, 16-25, 25-21, 3-15 kabiguan sa Bacoor sa prelims.
Lalabanan ng Bacoor, nagreyna sa inaugural edition ng MPVA, ang Rizal para sa bronze medal.